This short story is an expression of my past broken relationship...it pains like a milliion pins pricking!
Pag-ibig at Pagkamuhi
(Tagalog)
Sa tantiya niya ay humigit-kumulang sampung taon na ang nakalipas mula nang sumakabilang buhay ang kanyang butihing tiyuhin.
Maglalabin-limang taong gulang pa lamang siya noon.Tandang-tanda pa niya ang tagpong iyon doon sa mismong silid ng kanyang tiyuhin kung saan nakahandusay ang wala ng malay nitong katawan. Walang nakakabatid kahit na sino man sa kanyang pamilya ng anumang dahilan nito para wakasan ang sariling buhay. Isang malaking palaisipan iyon na gumugulo sa kanya na ayaw na rin niyang tuklasin pa.
Mahal na mahal niya ang kanyang tiyuhin. Parang anak kung siya’y ituring nito. Kadalasan ang tiyuhin niya ang agad tinatakbuhan tuwing may problema na hindi naman siya binibigo. Ganoon siya kalakas at kamahal sa kanyang kinikilalang pangalawang ama na kapatid ng kanyang ina.
Nagtataka at nagtatalo ngayon ang kanyang isipan. Sino naman kaya itong si Jethro De Guzman na nakaalala pang sumulat sa kanyang tiyuhin na matagal ng naging abo? Wala naman siyang maaalalang ganoong pangalan na naging kaibigan ng tiyuhin. Maya-maya ay naisip niyang buklatin para basahin ang nilalaman ng sulat na kani-kanina palang niya hawak.
Dear Pareng Justin,
Kumusta ka na? Marahil ay nagtataka ka kung bakit ngayon lang ako nakasulat. Gusto kong sariwain sa aking isipan ang lahat ng mga magagandang bagay na nararanasan natin sa ating pagkakaibigan. Higit pa sa magkapatid ang turingan natin sa isa’t- isa. Lahat ng iyon ay magiging bahagi ng aking magagandang ala-ala.
Patawad Pare, hindi ako naging tapat na kaibigan dahil hindi ko napaglabanan ang aking sarili. Natuto akong magmahal sa isang babae na hindi ko naman dapat minahal. Matagal akong nakiamot ng kakarampot na kaligayahan sa iyo. Marami akong naging pangarap sa buhay, ngunit iisa lang pala ang too kong hinangad. Mahirap pigilin ang sariling iwasan o talikuran ang isang bagay na pinanabikan mong maging iyo lalo na’t abot-kamay mo na lang.
Alam ko kung gaano mo kamahal si Trix. Patawad Pare, sinuway ko ang anumang inilagay kong pagitan sa aking isipan at damdamin para bigyang laya ang damdaming matagal ko ring pinigilan. Iisa lang ang isasagot ko kung bakit ginawa ko iyon. Ang totoo ay mahal na mahal ko rin si Trix!
Noon pinilit kong binura sa aking isipan ang babaing kapwa natin mahal. Ginawa kong panansala ang aking nadaramang pagmamahal sa kanya, at maligaya kong ginawa iyon alang-alang sa ating pinagsamahan.
Umalis ako, nagpakalayo at matagal ding nawala. At sa aking pagbalik nabatid ko mula kay Trix na ako at ako lang ang minahal niya mula pa man noon. Hanggang sa nagpatianod kami sa aming di matatawarang pananabik sa isa’t-isa.
May anak na kami ngayon, si Dwight, isang mabait at matalinong bata.
Patawad Pareng Justin. Sana maunawaan mo kami. Mahal namin ang isa’t-isa. Sana’y mapatawad mo ako at si Trix.
Ang iyong kaibigan,
Jethro
Mariing kinagat niya ang kanyang mga labi, kasunod ang mabilis na pagdaloy ng kanyang mga luha sa kanyang mga mata. Poot at galit ang namamahay ngayon sa kanyang dibdib. Samu’t-saring diwa ang pilit umalingawngaw sa kaibuturan ng kanyang katinuan. At doon unti-unting nabuo ang mga kasagutan sa mga tanong na hindi niya inaasahan, ang katotohanang nabalot ng mahabang panahon.
Nasasalamin niya ang kanyang sarili sa katauhan ng kanyang tiyuhin. Ganyan nga siguro ang umiibig ng labis. Naalala niya si Cindy. Kahit na sinasaktan siya nito ay naghahanap at naghahanap pa rin siya ng maidadahilan para habaan pa ang pagtitiis. Sobra-sobra kasi siya kung magmahal. Nais pa niyang ihambing ang sarili sa gamu-gamo. Kung hindi mapaso muna, hindi maniniwala. Kung mabubuhay din lang siyang nagkukunwaring mahal siya ni Cindy gayong alam na alam na niyang totoo sisimulan na niyang mabuhay na wala ito. Pipilitin niyang mabuhay na wala ito. Totoo pala ang kasabihan nilang gahibla lang ang pagitan ng pag-ibig at pagkamuhi. Nasusuklam siya sa mga katulad ni Cindy at Trix!
Minsan talagang parang may pangyayaring mahirap paniwalaan pero nagaganap lalo na kapag tadhana ang nakikialam. Pero tadhana nga ba ang may pakana ng mga nagaganap ngayon sa buhay niya at ng kanyang tiyuhin? Isa lang ang alam niya. Hindi niya sasayangin ang kanyang buhay sa isang huwad na pag-ibig lamang.
Charlie Falcon, po sir.
ReplyDeletesir, ang dami nyo po talagang natutuhan sa buhay bago nyo nakamit ang iyong pinapangarap sa buhay, pero sir, nabubuhay po kayo ngayon sa kasalukuyan. ganyan talaga ang buhay sir, minsan masaya , minsan nakakalungkot, pero kailangan po nyong tanggapin kung ano ang tadhana nyo po,.
opinion ko lang po yun sir. pasensya na po.