Thursday, February 12, 2009

Sa Aking Pagbabalik

Minsan nakagawa ako ng mga maling desisyon sa buhay. Totoong mahirap takasan ang bangungot ng nakaraan. Ano pa man ang mangyari sa akin, kailangan marunong akong bumangon muli. At ang mahalaga naniniwala akong may puwang sa puso ko ang pagbabago. Darating ang panahon na magtatagumpay ako at masasabi kong "sa wakas nalampasan ko rin at handa na sa aking muling pagbabalik."




















Sa Aking Pagbabalik

Gabi iyon noong una kitang makilala. Kadalasan sa gabing kapares noon ay punung-puno ng nagkikislapang mga bituin ang kalawakan. Ang ningning ng mga ito’y tila pumupukaw sa damdaming matagal ding nauhaw sa pag-ibig. Ang sarap damhin ang simoy ng hanging sumasabay sa pagpintig ng aking puso. Pakiwari ko’y iyon na ang pinakasayang tagpo sa buhay ko lalo pa’t sinabi mong may malaki akong pag-asa sa puso mo.
Hanggang talampakan ang kaba ng dibdib ko noong una kitang pinagtapatan ng aking wagas na pagsuyo. Napansin mo siguro kung paano ako nautal at pinamulahan sa mukha. Ah, oo, ang mahalaga naman sa akin ay ang masabi ko sa iyo ang mga salitang gusto kong marinig mo.
Mula noon lagi ko nang pinanabikan ang muli nating pagkikita, hanggang sa tinungo mo rin ang aking hangaring maangkin ka. Halos naglulundag ako sa tuwa dahil sa wakas magnoyo na tayo!
Parang merong nagdidikta sa akin na ikaw na talaga ang lifetime partner ko. Nagsimulang naging makulay at punung-puno ng pag-ibig ang dati-rati’y malungkot kong mundo. Alam mo ba kung gaano ako kasaya sa tuwing kasama ka? Ikaw lang ang naging lahat-lahat sa akin.
Tuwing namamasyal tayo nag-uusap tayo ng kung anu-anong bagay. Pagkatapos nagtatawanan at naghahabulan. Minsan din nangangarap. Langit ang aking pakiramdam sa mga ganoong sandali dahil napatunayan kong mahal na mahal mo ako at gayundin naman ako sa iyo. Tayo na siguro ang may pinaka-sweetest love story in history.
Sa totoo lang, sa iyo umiikot ang aking mundo. At saka alam mo ba kung paano mo ako pinahanga? Matalino ka ngang talaga at napakaraming alam sa buhay. Nasa sa iyo ng lahat ang mga katangiang hinahanap ko. Ikaw ay tunay na mapagmahal, matiisin at mapagbigay. Magagawa mong magpakasakit at magpakahirap sa isang minamahal. Isa pang natutunan ko sa iyo ay ang mabuhay na hindi lamang para sa sarili kundi maging sa ibang tao lalo na sa mga nangangailangan. Natapos ko ang isang awit at ito’y inihahandog ko para sa iyo.Kapuri-puri ka namang talaga. Kaya, higit sa lahat, nagpapasalamat ako dahil ikaw ang mahal ko.
Noong una, inakala kong hindi magbabago ang lahat sa ating dalawa. Nakalimutan kong tao lang pala ako, maraming kahinaan at kapintasan sa buhay. Bigla na lang akong namangha nang paggising ko isang araw nawala na ang dati kong maamong katauhan. Pinaghihinaan ako ng loob. Agad akong nahumaling sa kinasasalamuhaang daigdig.
Pero hindi naman ako basta-basta sumusunod sa kung anu-anong kapanipaniwalang pinaiiral ng tao para mabuhay ng normal. Tumatagis sa utak ko ang katagang “hindi ako makapangyarihan na tulad mo!” Maaaring sabihin na bigla na lang akong nabubuhy sa ngalan ng aking sarili. Sariling malaya. Pero malaya nga ba talaga ako?
Hindi ko namalayan, tuluyan nang nagkalabuan tayo sa isa’t-isa Naging mapusok ako. Hindi ko magawang makinig sa kahit na anong paliwanag. Binulag ako ng aking takot at pangamba. Madalas kong itanong sa aking sarili kung bakit ako nagkakaganito. Ewan ko at lalong hindi ko alam.
Minsan lumuluha ako sa hinagpis, sa poot. Gusto kong ibulalas ang sakit ng dibdib na namamayani sa mga sandaling ako’y nag-iisa.
Palibhasa kasi magulo akong tao. Mahirap unawain kung minsan. Masyado akong ambisyoso at maraming bagay ang naglalaro sa aking isipan na gusto kong gawin at matupad kaya’t nawawalan ng konsentrasyon sa iisang larangan at kaya nabibigo. Hindi ko matukoy ng malinaw kung ano ang nais kong gawin o direksyon ng buhay ang dapat kong pagsikapang makamit.
Hindi ko makatkat sa aking isipan ang iyong mukhang punug-puno ng pag-asang magbabago ako at muling magbabalik sa piling mo.
Batid ko ngayon ang dahilan ng kasuklam-suklam na damdamin na aking pinagsisikapang malampasan. Naging sakim ko. Binulag ng sariling kahibangan. Naligaw habang nangangarap ng pansariling kaligayahan. Akala ko habam-buhay akong magiging tapat sa iyo. Dahil sa iyo, ngayon nabatid ko ang tunay na adhikain ko sa buhay. Natagpuan ko sa iyo ang kasagutan ng mga tanong na gumugulo sa akin. Nauunawaan ko na rin ang katuturan ng aking pagiging iyong “nilikha at kasuyo.” Marahil sa paglipas ng maraming unos at bagyo ay naintindihan ko na kung bakit ka nagpapakahirap at ipinagkaloob mo ang iyong sarili ng walang pagdadalawang isip.
Sadya ngang nagagamot ng panahon ang anumang sakit. Nahihilom nito ang anumang sugat. Pero ang piklat nito’y mananatiling palatandaan magdaan man ang maraming taon.
Inaamin ko ng buong puso, habang hinahanap ko ang aking sarili noon ay ni minsan hindi ka naiwaglit dito sa kasulok-sulukan ng aking puso. Kung kailangan muli kitang ligawan ay gagawin ko upang maibalik natin ang kahapon. Sana’y nariyan pa rin ako sa puso mo.
Ngayong gabi maglilitawan pa kaya ang mga bituin sa kalawakan? Sasabay pa kaya ang simoy ng hangin sa pagpintig ng aking puso? Magiging kakaiba siguro ito, taliwas sa mga nagdaang gabi sa aking buhay. Ewan ko, di ko masabi.
Nasa mga kataga na ang kahinugan ng aking isip na matagal ding pinanday ng maraming pagsubok. Bukas ay araw ng Linggo. Siguro naman ay handang-handa na ako makipagkita uli sa iyo, ang aking muling pagbabalik.